Tuesday, February 12, 2008

Byahe ng Jip




Paglalaan:



Sa mga taong naging kasabay ko sa byahe ng jeep sa bawat araw ng aking buhay…
Sa dakilang Diyos ng pag-ibig at paglalaan; ang buwan, ang langit at ang mga bituin; ang mga dahon sa puno ng akasya at ang hangin na yumayakap sa pagbagsak ng mga ito; ang haring araw at ang bawat bukas na dinadala nito sa aking paggising…




At sa taong sumakay sa jeep na sinasakyan ko, sa di inaasahang pagkakataon at lugar. Sa Isang taong sumabay at sasabay sa akin sa bawat trapik ng kalsadang tatahakin ng jip na sinasakyan namin, maging malubak man o masalimuot ang daan, ilang pasahero man ang sumakay at bumaba, masiraan man ang jip sa daan patungo sa kung saan man at ilang milya man ang layo ng daan na aking tatahakin, kakayanin ko ito hanggat alam kong nandyan siya tabi ko, sa byahe ng buhay…






Prolog:



“Beep! Beep!”



Alas-otso ng umaga sa Baguio, nakatayo ako sa isang tindahan sa kanto ng boarding house namin. Nakita ko ang isang jip na tumatakbo papunta sa kanto kung saan ako naghihintay. Pinara ko ang jip sa malayo pa lang para tumigil at isakay ako. Tumapat ang jip sa aking kinatatayuan at ako ay sumakay dito. Magisa pa lang ako sa jip nung sumakay ako dito. Pwede ka nga humiga sa loob nito habang umaandar.



Mabagal ang takbo ng jip. Naghahakot kasi ng pasahero. Pansin ko din na medyo lubak-lubak ang kalsada kung saan dumadaan ang jeep. Halos sumakit ang pwetan ko sa bawat balok na dinadaanan ng aking sinasakyan. Huminto ang jip at napansin kong may sumakay na grupo ng estudyante; umupo sa kabilang dulo, maiingay, nagkekwentuhan. Sa kalagitnaan ng biyahe ay nahirapan ang driver sa pagmamaneho. Medyo pataas at matarik ang dinadaanan niyang kalsada ngayon. Ramdam mo ang bigat ng jip sa pasalungang lansangan at ng makarating kami sa tuktok ay may sumakay na isang lalaki at isang babae. Dun sila sa harap ko pumwesyo, nakayakap si lalaki kay babae. Ang sweet, kung baga.



Kada kanto na tinitigilan namin, iba’t-ibang tao ang sumasakay sa jip na nung una ay ako lamang ang laman. May matatanda, may bata; ibat-ibang itsura, iba’t ibang sekswalidad.
Sa wakas, nasa mismong siyudad na ang jip na aming sinasakyan. Paliku-liko ang kalsada; nakakahilo. Maya-maya pay nandyan na ang trapik. Ibat ibang jip; sala-salabat, buhol-buhol. Halos maduling ang mga mata mo sa dami nila. May ibang puno ng pasahero, may ibang konti lang ang laman, may iba naman na walang taong nakasakay.



“UP! Meron bang UP dyan?!?” Sigaw ng driver habang pinapabagal niya ang takbo ng jip.



“Para po manong, dyan lang sa tabi…” Sabi ko naman.



Tumigil ang jip at binaba ako nito sa gate ng eskwelahan ko.



Miyerkules ng mga kapanahunang iyon. Wala akong klase pero kailangan kong pumunta sa eskwelahan para kumuha ng mga libro at mag-edit ng thesis. Kikitain ko pati ang iba kong kaklase para kunin ang ibang notes nila sa ibang subjects na hindi ko madalas pasukan (delingkwente…).



Matapos kong gawin ang mga bagay na yun, umupo ako sa ilalim ni Manong Oble, tanaw ang kalsadang halos apat na taon kong dinadaanan. Apat na taong tinatahak ng bawat jip na sinasakyan ko sa bawat araw na pumapasok ako sa UP; sa tuwing pupunta ako sa Session Road at sa SM; sa tuwing gusto kong umalis ng bahay at magikot-ikot; sa tuwing wala akong magawa sa aking pag-iisa.



Lumalamig na ang hangin at halos maging itim na ang langit. Sa ilalim ni Manong Oble, tumayo ako at tumungo sa Session Road upang kumain at tuluyan ng umuwi. Sa terminal ng jip, nakapila ang mga tao habang naghihintay ng masasakyan. Matagal din bago dumating ang mga jip. Halos isang oras ako naghintay at nakatayo bago ako nakasakay.



Di tulad ng biyahe sa umaga, siksikan ang jip pag byahe nito sa gabi. Halos hindi ako makagalaw sa loob.



“Manong, Bakakeng Norte po, estudyante…” Habang inaabot ko ang bayad sa lalaking katabi ko sa jip.



Ngiti lang ang sinalubong niya sa akin at salamat naman ang aking nasambit pabalik.



Maya-maya pa’y, isa-isa kong napansin na bumababa na ang mga pasahero. Lumuluwag na ang jip at sa kalagitnaan ng byahe ay tipong wala na sa lima ang bilang ng sakay nito. Naging apat, tatlo, dalawa at bago makarating sa bahay, ay ako na lamang ang nag-iisang tao sa loob.



“Para po!” Sigaw ko sa driver ng jip.



Saktong tigil nito sa harap ng boarding house. Bumaba ako at tuloy ng pumasok sa bahay.

Nandun na lahat ng mga boardmates ko, nag-iinuman na.



“O, bakit ngayon ka lang? Kanina ka pa namin tinatawagan ah. Shot na!” sabi ng isa kong kasama.



“Sandali lang. Magbibihis lang ako…” ang aking paalam.



Pagkatapos kong magbihis ay dumiretso na ako sa may kusina, umupo at kinuha ang gitara, sabay tira sa mga kwerdas nito at abot naman ng tagay sa akin ng aking katabi.



“Buti may nasakyan ka pang jip? Halos wala ng nakaparada kanina nung pumunta ako ng terminal eh. Naghintay ka ba dun?” tanong niya sa akin.



“Oo. Naghintay ako dun. Kahit na matagal, ok lang.” sabay ngiti at tagay sa isang baso ng alak.



Natapos ang inuman namin at patapos na ang gabi. Bukas, sasakay na naman ako sa isang jip. Ibat-ibang tao muli ang aking makikita. Madalas akong sumakay ng jeep. Sa araw araw pagpunta ko sa kung saan man, nandyan ang jeep para dalhin ako sa kung saan man gusto kong pumunta. Minsan, ako lang ang laman ng jeep at kung minsan naman ay siksikan na sa dami ng pasahero; iba’t-ibang katauhan, iba’t-ibang mukha at personalidad. Maaaring nakasakay ko na dati pa o pwedeng isang bagong mukha. Maluwag man o siksikan, magisa man o may kasama, alam kong sa bawat bukas na darating, sasakay at sasakay pa rin ako sa isang jip. Gaano man kalubak o kakinis ang daan, pataas man o pabulusok ang kalsada, kahit na diretso o paikut-ikot ang lansangan; nandyan pa din ang jip. Naghihintay lang na parahin ko para aking sakyan…







Epilog:



Ang pag-ibig ay parang isang biyahe ng jip sa kalsada ng buhay. Sa biyahe, ang daan ay pwedeng maging malubak, baku-bako, pataas; mga problemang madalas makaengkwentro sa bawat byahe na tatahakin mo. Minsan naman ay pwedeng makinis, diretso; para bang walang maling mangyayari. Minsan, hindi masisiraan sa daan ang jip, kung minsan naman ay palpak ang byahe at kailangan mong sumakay sa iba.

Sa kabila ng bawat biyahe na nasakyan ko, ni minsan ay di ko naranasang sumakay sa isang jip ng may kasabay. Laging mag-isa, walang kasama. Minsan, pumapasok na sa aking isip na pangahbang-buhay na ang ganitong sitwasyon. Sa bawat araw na nilikha ng Diyos ng pag-ibig at paglalaan, hindi ako umaasang may makakasabay at may makakatabi sa bawat byaheng sinasakyan ko.

Pero sa isang di inaasahang pagkakataon, lugar at panahon, may isang taong sumabay sa akin sa biyahe ng buhay at ng pag-ibig. Isang taong hindi ako iniwan sa kabila ng kung ano mang klase ng daan ang aming dadaanan; matiyagang hinintay ang bawat trapik na makaraos upang muling umandar ang jip, at higit sa lahat, tinapos ang bawat biyahe ng jip na sinakyan naming dalwa ng hindi ako iniiwang mag-isa.



Alam ko na ang byahe na sinakyan, sinasakyan at sasakyan nating dalwa ay walang kasiguraduhan; di natin alam kung saan hahantong ang mga ito. Gayun pa man, napakasaya ko dahil ikaw ang taong nakatabi at nakasama ko sa mga byaheng iyon. Ang taong alam kong sasabay sa bawat byahe na sasakyan ko. Ang taong mamahalin ko. Ang taong pinakamamahal ko…

*************************************************************************************
para kay batman
mahal na mahal kita
para sa iyo ito