...
"Bago ko simulan ang bagong lathalain sa aking pahina, nais ko munang pasalamatan ang dakilang Diyos ng pag-ibig at paglalaan; ang mga dahon sa puno ng akasya na patuloy na niyayakap ng hangin habang nalalagas ito; ang langit, mga bituin at ang buwan na naging saksi sa buhay ko at ang araw; ang haring araw na pilit mang itago ng mga ulap sa himpapawid, ay patuloy pa ring sumisikat sa aking mundo upang maging gabay at simbolo ng isang-daang milyang lansangan patungo sa kung saan man ang aking pupuntahan..."
Prolog:
"Maraming salamat sa pagtawag. Maging masaya ka sana..."
"toot... toot..."
Isa iyon sa mga araw na masasabi kong normal na sa akin. Ang araw na iwan ka ng iyong taong minamahal. Masalimuot, masakit pero kailangang tanggapin. Pilit kong ngumiti para hindi mapansin ng aking mga kasama ang kalungkutan na aking nadarama; pinipilit kong ngumiti kahit sa loob ko ay naghuhumiyaw sa luha at sakit ang aking damdamin. Tumungo ako sa likod-bahay upang doon ay magpalipas ng sama ng loob; para makapag-isip, at kahit papaano'y maibsan at malimutan ko kahit sandali ang mga pangyayari sa araw na iyon.
Umupo ako sa may kubo namin kung saan tanaw ko ang ilog. Malinis, medyo malakas ang agos dahil sa pagbuhos ng ulan noong nakaraang gabi. Haha, sana isabay na lang ng pag-agos ng tubig ang sakit na aking nararamdaman ng mga kapanuhang iyon. Bigla kong nakita ang isang kapirasong papel at ang aking panulat. Kinuha ko ang mga ito. Tumingin ako sa langit at naramdaman ko ang malamig na hangin na umiihip sa aking balat. Pakiwari ko noon, gusto kong gumawa ng isang eroplanong papel; taglayin ng hangin sa isang lugar kung saan lahat ng problema ko ay maglalaho na parang bula: isang lugar na kung saan, ako ay magiging masaya. Isang lugar na kung saan, wala ka.
Ngunit alam kong ilang eroplanong papel man ang gawin ko, hindi ako nito madadala sa lugar na gusto ko dahil hindi ko masasabi ang pag-ihip ng hangin; hindi ako sigurado sa kung saan ako nito maaaring dalhin.
Biglang nasagi sa aking isip na gumawa ng tula; isulat sa kapirasong papel na iyon ang lahat ng aking nadarama. Lahat ng aking hinanaing at pasakit; lahat lahat na. Lahat na gustong ilabas ng puso ko na halos malunod sa ilog ng luha sa kakaiyak dahil sa iyo.
Inangat ko ang aking panulat; dahan-dahan kong inilapat sa papel at nagsimulang isulat ang isang tula. Isang tula ng paglalaan. Isang tula ng pusong nagmahal ngunit sinaktan. Isang tula na ililimbag ko sa hangin upang mabasa ng langit at ng mga bituin. Isang tula na para sa'yo. Para lang sa'yo.
*************************************************************************************
... kahapon
isang magandang alaala na tila wala ng katapusan
at sa wari ko'y hindi na magwawakas; hindi magtatapos
mga araw na kung saan ang oras ay parang hindi gumagalaw
hindi tumatakbo, nakapako sa bawat sandaling kasama kita
mga sandaling sumpaan ng pagibig na tapat, damdaming mapagmahal
mga sumpaang tunay at wagas na dama ko sa iyong mga haplos
mga sandaling akala ko ay pang-habambuhay, hindi magalalaho
hindi mawawala
... ngayon
singbilis ng paglipas ng araw ang init ng yong pagmamahal,
simbilis ng kidlat ang paglaho nito
isang pagmamahal na inabandona, binalewala, kinalimutan
nilibing sa mga pahina ng kahapon
tadhana nga kaya na mangyari ang ganito?
o sadyang ang damdamin ko bay pinaglaruan mo lang at biniro ng
pagkakataon?
... bukas
pilit kong lilimutin ang bakas ng nakaraan natin,
ang iyong pagmamahal at ikaw
itutuloy ko kung saan ako nadapa, babangon at magsisimula muli
magisa man o may kasama
mahirap man ay pipilitin kong tahakin at buhayin;
ng wala ka sa aking tabi; ang bawat araw
haharapin kung anuman ang nakalaan
at nakasulat sa aking tadhana
...
ito ang libro ng pagibig ng ating kahapon, ngayon at bukas
ang kwentong inukit sa puno ng akasya,
isang librong nilimbag ko sa puso mo at maging ikaw sa akin
kwento ng kahapong kaysaya; kasalukuyang mapait; at ang
walang kasiguraduhang bukas
librong binasa ng langit, ng buwan at mga bituin
ngayon ay kailangan ng itago, kailangan ng limutin
*************************************************************************************
Isang patak ng luha ang aking napansin sa papel na aking pinagsulatan ng tula.
Nasundan pa ng isa, ng isa pa at ng isa pa.
Tatlong patak ng luha ang aking naging tugon habang paulit-ulit kong binabasa ang tula ko para sa'yo.
Muli ay tumingin ako sa ilog. Malakas pa rin ang agos. Malamig pa rin ang hangin na humahampas sa aking balat. Malapit ng lumubog ang haring araw, senyales na ang gabi ay malapit ng sumapit, malapit ng dumating. Malapit ko ng makita ang aking mga gabay; ang langit, ang mga bituin at ang buwan. Tiniklop ko ang papel na pinaglimbagan ko ng tula; tiklop dito, tiklop doon.
Hindi ko napansin na nakabuo na pala ako ng bangkang papel; isang bangkang papel na laman ang istorya ng ating pagmamahalan. Isang bangkang papel na naglalaman ng isang istorya na natapos. Isang istorya ng ating kahapon, ngayon at bukas.
Pumunta ako sa bangkalan dala ang bangkang papel. Saksi ang buwan, ang langit at ang mga bituin, inilapat ko sa tubig at pinanood habang tinatangay ito ng agos. Sa dako pa roon, napansin ko na unti-unti ng nawawala sa aking paningin ang bangkang papel na aking inalay sa ilog.
Isang bangkang papel...
Bangkang papel na ginawa ko ng dahil sa iyo...
Nananalangin sa Dakilang Diyos ng pag-ibig at paglalaan na alisin ang sakit na aking nararamdaman; hipan at taglayin ito ng hangin tulad ng mga dahon sa puno ng akasya; umaasang isabay ito ng agos ng tubig. At sa pagiskat ng haring araw kinabukasan, ay taglay ang bagong umaga at pag-asa; isang librong lilimbagin ko at ng taong magmamahal sa akin habambuhay...
At isang istorya na sana ay hindi mauwi at humantong tulad ng sa atin...
Gaya ng isang bangkang papel...