Paglalaan:
Sa dakilang Diyos ng pag-ibig at paglalaan…
Sa langit, sa buwan at mga bituin na tanglaw ng aking buhay…
Sa mga dahon sa puno ng akasya na niyayakap ng hangin sa pagbagsak ng mga ito…
At sa haring araw na sumsikat pagkatapos ng bawat ulan at unos na dumadating sa buhay ko…
Sa payong na naging kanlungan ng aking pagkatao sa bawat iyak ng langit…
At sa payong ng pagmamahal ng isang tao, na nandiyan upang ako ay payungan…
Gaano man kalakas o kahina ang ulan.
Sa langit, sa buwan at mga bituin na tanglaw ng aking buhay…
Sa mga dahon sa puno ng akasya na niyayakap ng hangin sa pagbagsak ng mga ito…
At sa haring araw na sumsikat pagkatapos ng bawat ulan at unos na dumadating sa buhay ko…
Sa payong na naging kanlungan ng aking pagkatao sa bawat iyak ng langit…
At sa payong ng pagmamahal ng isang tao, na nandiyan upang ako ay payungan…
Gaano man kalakas o kahina ang ulan.
Prolog:
“Ring ring…”
Alas otso na ng umaga ngunit nagising ako na walang araw na lumiliwanag mula sa langit. Makulimlim at may konting kalamigan na bumabalot sa bawat hampas ng hangin na nanggagaling mula sa bintana ng aking kwarto. Nanatili akong nakahiga sa kama, nakatingin sa kisame; halos blangko ang pag-iisip hanggang sa makarinig ako ng katok sa kwarto. Binuksan ko at nakita ko ang kapatid ko, kakain na daw. Bumaba ako sa may kusina at nakita ko na kumakain na sila ng agahan. Umupo ako at sinimulan ko na ring kumain.
“Tak, tak tak…”
Narinig ko na lang ang ingay na iyon sa bubong ng bahay at nakita ko na nagsisimula ng bumuhos ang ulan mula sa mga ulap. Bawat minutong lumilipas, nararamdaman kong palakas ng palakas ang pagpatak ng mga ito. Nagtimpla ako ng kape at bumalik sa kwarto ko para tumambay at magpalipas ng oras. Kumuha ako ng yosi at tumambay sa may terrace; pinapanuod ang walang humpay na iyak ng langit na sinasalong lahat ng lupa. Kahit ganun pa man, madami pa ding tao ang nakikita mong naglalakad; sumusulong sa bawat patak ng ulan. May ibang tumatakbo at parang pilit na umiiwas mabasa, meron namang halos gustong maligo.
Sa malayo, nakita ko ang isang babae na nakapayong. Marahan ang paglakad sa kalyeng basang-basa na sa mga luha ng langit. Dahan dahan siya sa paglalakad at makikita mong halos mabasa na ang suot niyang damit sa pagtilamsik ng tubig mula sa mga lubak at ungkab ng lupa. Humangin ng malakas at paumanoy tangayin ng hangin ang payong ng babae. Umihip at halos ilipad ng hangin ang payong na dala niya; muntik pa itong masira at mawasak. Dali-dali siyang sumilong sa isang sulok ng kalsada habang inaayos ang payong na dala niya.
Tuloy pa din ang buhos ng ulan. Tila may unos na nagbabadya sa araw na ito. Unos na minsan lang dumating ngunit hirap at pasakit ang dala. Mapasandali man o matagal ang pagdating nito, siguradong meron at merong masasaktan, meron at merong mahihirapan. Malamang masasabi natin na sa buhay at pag-ibig, may mga bagay at pangyayari na masasabi nating parang unos; bagyo sa ating buhay. Mga pagsubok at sitwasyon na kung saan masusubok kung gaano ka katatag sa bawat hagupit ng hangin at sa bawat buhos at patak ng ulan. Bagyong minsan sa tingin natin ay di na lilipas at magiiwan ng markang hindi kukupas.
Halos isang oras na akong nakatayo sa terrace ng bigla kong nakita ang isang lalaki na lumabas ng bahay niya. Dala ang kanyang payong, nagsimula siyang lumakad palabas ng gate; pakiwari ko ay may bibilhin sa tindahan sa kanto. Pinagmasdan ko ang kanyang galaw; mabilis, nagmamadali. Hindi inaalintana ang lakas ng hangin at ang ulan; walang pakialam kung mababasa siya o hindi.
Bigla siyang tumigil sa kinatatayuan ng babaeng sumilong sa isang sulok ng kalsada. Tumayo sandali at tila tumingin sa babaeng ngayon ay halos basa na. Maya maya ay dumiretso na siya sa paglalakad hanggang lumiko sa kanto at nawala na sa aking paningin. Ilang sandali pa lamang ay muli kong nakita ang lalaki na iyon at muling huminto sa kinatatayuan ng babae. Medyo nagtagal siya sa pagtitig dito. Napatingin ang babae sa kanya; naging sanhi upang siya ay mapayuko at itago ang kanyang mga tingin sa payong niya; dumiretso at pumasok na sa bahay niya habang ang babae ay nakatingin sa bawat yapak at lakad ng lalaki na iyon.
Napagod ako sa kakatayo. Aminado ako na medyo inaantok pa ako kahit na nakailang baso na ako ng kape at halos limang sigarilyo dahil sa lamig ng panahon na dala ng ulan. Pakiramdam ko ay panaginip lang ang mga nakikita ko sa kalsada; mga panaginip na binubuhay ngunit tinatakluban ng buhos ng ulan.
Umupo ako sa silya ng biglang humangin ng malakas. Nabasa ng konting ulan ang aking mukha na nagtulak upang magising ako ng tuluyan. Hindi ako nananaginip at tunay ang aking mga nakikita, nadarama at iniisip.
Muli ay napatingin ako sa kalye, sa madilim na langit at sa ulang bumabagsak mula dito. Sa eskinita malapit sa bahay ay may lumabas na dalawang tao, magkasukob sa isang payong. May kaliitan ang payong na dala nila pero hindi ito naging dahilan upang hindi sila magsama sa ilalim nito. Dahan-dahan silang lumakad sa ulan at pinilit na wag mabasa ang isa sa kanila. Magkaakbay at halos magakayakap, lumakad sila at pinagsaluhan ang payong na nagsilbing kanlungan nila mula sa ulan. Walang nauuna, walang naiiwan. Kahit gaano man kahirap na magsama sa iisang payong, tiniis nila; wag lang mabasa ang isa sa kanila.
Naalala ko ang mga oras na naliligo ako sa ulan kasama ang mga kaibigan ko. Sabay-sabay kaming nababasa at masaya habang bumabagsak ang ulan sa aming ulo. Bumalik sa aking isip ang minsang pagpaligo ko sa ulan ng mag-isa; problemado at halos isabay ko sa buhos ng ulan ang pagbagsak ng mga luha at ang pagdaloy ng aking mga emosyon. Naghihintay sa isang taong dadating upang ako ay payungan at isilong mula sa ulan. Naalala ko din na minsan sa buhay ko, may isang taong sumabay sa akin sa bawat ulan ng buhay; nandyan at hinimlay ako sa payong ng pagkalinga at pagmamahal niya.
Humina na ang ulan.
Unti-unti ay bigla ng lumiwanag ang langit at nagpakita na ang araw mula sa pagkakatago nito mula sa makakapal na ulap.
Napansin ko na naglakad na ulit ang babaeng nakasilong sa isang sulok upang pumunta sa kaniyang pupuntahan.
Ang lalaki naman biglang lumabas ng kaniyang bahay upang linisin ang mga dahong bumagsak mula sa puno ng akasya.
At ang dalawang tao na sukob ng isang payong, patuloy pa din sa paglalakad sa basang kalye. Hindi tinanggal ang payong na pinagsaluhan nila habang ang unos ay bumubuhos sa kanilang buhay.
Huling higop ng kape sa aking baso. Huling hithit ng yosi sa aking kanang kamay.
Napasulyap ako sa langit at nakita ko na tuluyan ng huminto ang ulan. Tapos na ang halos isang unos na bumalot sa araw na iyon.
Ngunit alam kong isa lang ito sa mga unos na dadating sa aking buhay at sa buhay ng ibang tao. Hindi ko masasabi kung kelan at kung ilan pa ang maaaring dumating. Hindi ko alam kung gaano kalakas ang mga susunod.
Ngunit ganun pa man, kailangan kong maging handa.
Alam kong maaari akong mabasa tulad ng babae sa kalye; halos walang kalaban-laban at muntik ng bumigay sa ulan.
Maaari akong maglakad magisa ng walang pakialam tulad ng lalaking nakapayong; walang kasama at halos walang pakialam sa ulan na bumubuhos.
Ngunit nandun pa rin ang pangarap na maglakad sa ulan ng may kasama; sa ilalim ng isang payong na magiging kanlungan ng aming pagkatao sa bawat hagupit ng unos ng buhay at pag-ibig.
Sa ilalim ng isang payong; kasukob ang taong nandyan para ako ay samahan at payungan.
Gaano man kalakas ang bagyo.
Gaano man kahina ang ulan.
Pumasok na ako sa kwarto at inayos ang aking kama.
“Beep beep…”
Tumunog ang aking telepeno, may mensaheng dumating mula sa isang di inaasahang tao.
Binasa ko ang mensahe at tanging ngiti na lang ang aking naging reaksyon sa aking nabasa…
Isang ngiti na nagliwanag pagkatapos ng isang masungit na panahon sa aking buhay…
Epilog:
Ang buhay at ang ulan.
Realidad na sa buhay natin ang mga ulan na dumadating. Mga problema at pagsubok. Mga unos na halos hindi matapos-tapos at nag-iiwan ng marka sa paglisan ng mga ito.
Ang ulan at ang pag-ibig.
Isang katotohanan na ang pag-ibig sa isang tao ay may mga pagsubok ng kaakibat. Tanggapin man natin o hindi, parte na ito ng desisyon na ginawa natin. Isang mikrokosmo na nangyayari sa isang mas malaking konteksto sa buhay ng isang tao. Isang katotohanan na lalong pinagtibay ng pilosopiya ng pag-ibig ngunit maaari ding mawasak relatibo sa kung paano natin ito iintindihin.
Ang pag-ibig at ang payong.
Ang pagmamahal sa isang tao ay may kaakibat na responsibilidad; responsibilidad na tumayo at samahan ang taong iyon kung ano man ang mangyari. Protektahan ito sa kung ano man ang maaaring makasama sa kanya, at maging sa sarili mo. Kailangan mong gumawa ng isang payong na magsisilbing kanlungan niyong dalawa sa kung ano man ang pwedeng mangyari.
Ang buhay, ang ulan, ang pag-ibig at ang payong.
Sa buhay, may mga pagsubok na darating at kailangan natin itong harapin. Ulan na maituturing ang mga ito, susubukin kung gaano ka katatag. Sa isang tao na nagmamahal at umiibig, hindi na maiaalis na may nagbabadyang unos na maaaring bumuhos ano mang oras, saan mang lugar.
Pwede kang mag-isa habang nababasa, pwedeng matibay ang payong mo habang nakasukob ka dito at pinapanuod ang iba.
Pwede kang mag-isa habang nababasa, pwedeng matibay ang payong mo habang nakasukob ka dito at pinapanuod ang iba.
Ngunit nandun pa din ang payong na pinagsasaluhan ng dalawang tao; matibay na magkahawak habang nakasukob sa payong ng pagmamahal. Handang sumugod sa bawat ulan at unos ng buhay. Walang nauuna, walang naiiwan. Hindi titigil sa pagharap sa kung ano man ang pwedeng dumating hanggang tumila ang ulan at sumikat ang araw mula sa kalangitan.